
LUNGSOD NG MAKATI, 24 Disyembre 2025 — Sa loob ng maraming taon, tahimik na suliranin sa pampublikong edukasyon ang pagpili ng mga guro sa pagitan ng promosyon at pananatili sa silid-aralan. Madalas, ang pag-angat sa ranggo ay nangangahulugan ng paglayo sa aktuwal na pagtuturo.
Sa pamumuno ni Sonny Angara, sinimulan ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ang pagwawasto sa matagal nang ganitong kalakaran sa pamamagitan ng Expanded Career Progression (ECP) System—isang repormang nagbibigay-daan para umangat ang husay at karanasan ng guro nang hindi iniiwan ang silid-aralan.
Makikita ang epekto nito sa mga kuwento nina Gng. Maribel M. Torreña ng Sultan Kudarat at Gng. Evita Rose L. Busil ng Capiz.
Pagkilala sa Kakayahan
Bago pa man ang kanyang promosyon, malinaw na ang papel ni Maribel M. Torreña bilang lider sa pagtuturo. Bilang Master Teacher I sa Esperanza National High School sa Sultan Kudarat, aktibo siyang gumabay sa kapwa guro, tumulong sa pagpapatupad ng kurikulum, at nag-ambag sa pagpapabuti ng mga praktika sa silid-aralan sa loob ng kanilang paaralan.
Ang kanyang reclassification bilang Master Teacher III ay pormal na kumilala sa lideratong ito—nang hindi siya inaalis sa komunidad ng silid-aralan na kanyang tinutulungan araw-araw.
“I am proud and grateful to have been reclassified as Master Teacher III, an affirmation of my dedication to teaching excellence and passion for empowering learners to reach their full potential,” ani Torreña.
Sa ilalim ng ECP, mas napalalim ang kanyang papel sa mentoring, curriculum development, at instructional leadership para sa mga Batang Sultan Kudarat at Batang SOCCSKSARGEN, habang nananatiling nakaangkla sa aktuwal na karanasan ng pagtuturo.
Promosyong Pinapalakas ang Pagtuturo
Sa Capiz, hinubog ni Evita Rose L. Busil ang kanyang propesyon sa paniniwalang ang pagtuturo ay parehong bokasyon at pananagutan sa komunidad. Bilang Master Teacher II sa Pontevedra Elementary School, matagal niyang inalagaan ang pagkatuto ng mga mag-aaral, ginabayan ang kapwa guro, at nagsilbing huwaran ng epektibong pagtuturo.
“Teaching has always been my vocation,” ani Busil. “Every day in the classroom reminds me to nurture young minds with care and purpose. We shape not only the learners but the communities and teachers.”
Ang kanyang promosyon bilang Master Teacher III sa ilalim ng ECP ay pagkilala sa mga taong ginugol sa serbisyo, hindi bilang pagtalikod sa pagtuturo, kundi bilang pagpapatibay nito.
“The Expanded Career Progression System transformed my professional journey,” dagdag ni Busil. “It is more than a pathway to promotion; it is a system designed to sustain excellence, retain top teaching talent, and recognize competence, dedication, and impact.”
Para kay Busil, ang reporma ay hindi lamang propesyonal na tagumpay. Nagdulot din ito ng katiyakan at kapanatagan para sa kanyang pamilya, na matagal na naging saksi sa kanyang dedikasyon. Kinikilala niya ang pamunuan ng DepEd sa pagsusulong ng sistemang nagbabalik ng dignidad at malinaw na direksiyon sa propesyon ng pagtuturo.
ECP at pagpapalakas ng learning delivery
Ipinapakita ng mga karanasan nina Torreña at Busil ang malinaw na layunin ng Expanded Career Progression (ECP) System: ang promosyon ay dapat nagpapalakas sa silid-aralan, hindi nagpapabawas ng mga bihasang guro rito.
Nasa sentro ng reporma ang pagpili. Itinatag ng ECP ang dalawang career track: Classroom Teaching (CT) at School Administration (SA). Sa CT track, maaaring umangat ang guro mula Teacher I hanggang VII at mula Master Teacher I hanggang V habang nananatiling nakatuon sa pagtuturo, mentoring, at pamumuno sa kurikulum.
Para sa mga nagnanais ng mas malawak na tungkuling administratibo, saklaw ng SA track ang School Principal I hanggang IV. Pinahihintulutan ang isang beses na paglipat ng career track, alinsunod sa kwalipikasyon, assessment, at pamantayan sa plantilla—nagbibigay ng flexibility nang hindi isinasakripisyo ang merit.
Sa ilalim ng administrasyon ni Ferdinand R. Marcos Jr., itinuturing ang ECP bilang solusyon sa matagal nang pagkaantala sa career progression ng mga guro—isang sistemang kumikilala sa aktuwal na serbisyo at tinitiyak na ang pag-unlad ng propesyon ay kaakibat ng tunay na epekto sa paaralan. Para sa mga guro sa buong sistema, malinaw na ngayon na ang pag-angat ay hindi na kailangang ihiwalay sa pagtuturo.











