LUNGSOD NG PASIG, 30 Abril 2025 — Pinakaaabangan ngayon ang 2025 Palarong Pambansa dahil ito ay idadaos sa home region ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Inanunsiyo ni Education Secretary Sonny Angara na bukod sa Palarong Pambansa ay sabay na idadaos ang isa pang malaking programa at ito ay ang National Schools Press Conference (NSPC) at National Festival of Talents (NFOT) sa Ilocos Region.

“Through Bagong Pilipinas, we will meet our greatest obligation to our youth, to mold them into critical thinkers, problem solvers, and brave visionaries for their country,” ani Pang. Marcos sa isang pahayag.

Kikilalanin ang husay o galing ang mga kabataang Pilipino sa pamamahayag, malikhaing industriya at palakasan o sports na nakaayon sa naisin ng Pangulo na bigyang kapangyarihan ang kabataang mamuno, lumikha, at maging inspirasyon.

“These are platforms that empower our youth and help prepare them for a rapidly changing world,” ani Kalihim Sonny Angara. “Bringing these national gatherings to Ilocandia reflects our belief in regional inclusivity and shows how communities like Ilocos are key partners in building a future-ready education system.”

Naniniwala si Sec. Angara na ang mga ganitong pagtitipon ay magpapalakas sa mga kabataan at makakatulong upang sila ay maihanda sa iba’t ibang kalaharapin na hamon.

NSPC and NFOT 2025

Isasagawa ng Kagawaran ang 2025 NSPC at NFOT sa Ilocos Sur mula Mayo 19 hanggang 23, 2025, na may temang: “Empowering Filipino Youth: Unleashing Potentials in Journalism and Creative Industries in the Era of Artificial Intelligence (AI).”

Layon nito na bigyan ng kaalaman at kasanayan ang mga young campus journalists at talents sa larangan ng pamamahayag at malikhaing industriya, habang sinasanay sa mga inobasyong dulot ng AI.

Sa NSPC, mahigit 3,330 delegado, na binubuo ng mga student-journalists, coaches, mga hurado, at mga opisyal, ang lalahok sa iba’t ibang individual at group categories sa Ingles at Filipino. Kabilang sa mga kaganapan ang pagsusulat ng balita, pagsulat ng editoryal, pagsulat ng balitang isports, photojournalism, radio at TV broadcasting, online publishing, at iba pa.

Para sa taon na ito, magkakaroon ng exhibition event para sa Mobile Journalism. Magkakaroon din ng mga kasabay na sesyon ukol sa Media at Information Literacy (MIL) at AI sa Pamamahayag, na pangungunahan ng Presidential Communications Office (PCO) at ng Assistant Professor ng Western Philippine University na si Vengie M. Ravelo.

Para sa NFOT, kabilang sa mga aktibidad ang performing arts at culinary exhibitions hanggang sa digital at industrial design, alinsunod sa mga layunin ng K to 12 curriculum exits ng DepEd at ng Philippine Creative Industries Development Act (RA 11904).

Tinatayang aabot sa 2,200 delegado ng NFOT ang lalahok sa mga individual at group competitions sa iba’t ibang larangan ng pagkatuto at talento, kabilang ang Technology and Livelihood Education (TLE), Musika at Sining, Social Studies, Wika at Pagbasa, Edukasyong Pantao at Kultura, Inclusive Education, at Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM).

Magkakaroon din ng mga bagong kategorya at pinalawak na mga paligsahan sa NFOT, kabilang ang mga gawain na nangangailangan ng paggamit ng productivity tools at pagbuo ng iba’t ibang technical components, habang isasagawa naman ang mga sesyon para sa pagpapaunlad ng mga guro sa buong linggo.

Palarong Pambansa 2025

Mula Mayo 24 hanggang 31, 2025, magsisilbing host ng 65th Palarong Pambansa, na may temang “Nagkakaisang Kapuluan,” ang Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Norte, DepEd Region I, at Schools Division Office ng Ilocos Norte.

Itatampok sa Palaro ang 24 na regular sports kabilang ang athletics, basketball, volleyball, gymnastics, taekwondo, at swimming. Kabilang din sa mga kaganapan ang demonstration sports tulad ng weightlifting at exhibition event sa kickboxing, football at futsal para sa mga babae. Magkakaroon din ng special category para sa mga atleta na may kapansanan, tampok ang para-athletics, para-swimming, bocce, at goalball.

Tinatayang 1,777 na medalya ang ipagkakaloob sa mga magwawagi sa regular sports, demonstration sports, at para-games.

Bilang pagdiriwang sa kulturang Pilipino, isasama rin ang Palaro ng Lahi — isang pagtatanghal ng mga tradisyonal na larong Pilipino upang itaguyod ang cultural preservation sa mga kabataan.

END